Mahigit 70 Staff ng isang Ospital, Sumailalim sa Swab Test

290

Cauayan City,Isabela- Isinailalim sa Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test ang nasa kabuuang 74 staff ng Cauayan City District Hospital.
Ito ay makaraang magkaroon ng direct exposure sa isang 66-anyos na lalaking nagpositibo sa COVID-19 habang ang kanyang anak na bantay ay nagpositibo na rin sa naturang sakit na isang asymptomatic.
Ayon kay Dr. Herrison Alejandro, OIC Chief of Hospital, isinailalim sa blood transfusion ang lalaking pasyente dahil sa sakit na Lymphoma o maituturing na isang uri ng kanser.
Una rito, dinala ang pasyente sa Echague District Hospital subalit dahil sa kakulangan ng pasilidad ay minabuting ilipat ito sa Cauayan District Hospital para sa atensyong medikal.
Paliwanag ng doktor, nagpositibo ang asawa ng 66-anyos na lalaki kaya’t agad itong sumailalim sa swab test subalit nagnegatibo ang resulta nito hanggang ang isa pang anak ng kasalukuyang pasyente ay nagdala ng gamit ng kanyang ama na pinaniniwalaang may exposure naman sa kanyang ina na posibleng kontaminado ng virus ang nasabing kagamitan.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Southern Isabela Medical Center sa Santiago City ang mag-amang pasyente para sa monitoring ng kanilang sitwasyon ng kalusugan.

Samantala, pansamantalang isinara ang nasabing ospital simula ngayong araw, September 21-26 para sa disinfection at iba pang hakbang ng pamunuan habang pinapayagan naman ang mga emergency cases na magtutungo sa kanila. tags: 98.5 iFM Cauayan, 98.5 RMN, LGU Cauayan City, Cauayan District Hospital, COVID-19, Isabela, Luzon

Facebook Comments