
Nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa dalawang magkahiwalay na law enforcement operations sa Batangas at Quezon ang mahigit P15 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na produktong petrolyo at sigarilyo.
Sa kinasang operasyon sa Batangas, nahuli ang tatlong indibidwal na kinilala sa alyas na mga Ed, Sam, at Sid sa isang gasolinahan sa bahagi ng Balete Road sa Brgy. Balagtas dahil sa ilegal na pagbebenta at pamamahagi ng produktong petrolyo na tinatawag ding “paihi”.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang fuel tanker trucks na may lamang 26,000 na litro ng diesel,10,000 na litro na unleaded, at 4,000 na litro na premium na gasolina na tinatayang nagkakahalaga ng P9,144,000.
Sa kasabay din nitong operasyon sa Quezon, nahuli ang isang Chinese national na kinilala sa alyas na Joseph dahil sa ilegal na pagbebenta ng sigarilyo.
Nakumpiska sa warehouse ng nasabing suspek ang 95 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P6,036,400.
Samantala, tiniyak naman ng CIDG na palalakasin pa nito ang laban kontra sa lahat ng uri n mga kriminalidad at paglabag sa batas sa buong bansa.









