MAHIGIT P600K HALAGA NG MARIJUANA, NASAMSAM SA BORDER OPERATION SA ILOCOS SUR

Aabot sa limang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P600,000 ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang border interdiction operation sa Barangay Alilem Daya, Alilem, Ilocos Sur.

‎Sa operasyon, naaresto ang dalawang hinihinalang High-Value Targets (HVTs), isang 22 anyos na magsasaka at isang 21 anyos na kasamahan nito.

‎Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office I–Ilocos Sur Provincial Office ang operasyon katuwang ang Alilem Municipal Police Station, Ilocos Sur Provincial Drug Enforcement Unit (ISPDEU), at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU).


‎Narekober mula sa mga suspek ang limang malalaking pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa plastik at itinago sa loob ng isang puting sako ng bigas at isang dilaw na plastic crate.

‎Bukod sa ilegal na droga, nasamsam din ang iba pang ebidensya at dalawang motorsiklo na ginamit sa transportasyon.


‎Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) kaugnay ng Section 26 (Conspiracy) ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawang suspek.


‎Ayon kay PDEA Regional Office I Director Julius M. Paderes, patunay ang matagumpay na operasyon sa mas pinaigting na pagbabantay ng mga awtoridad sa mga rutang ginagamit sa pagpasok ng ilegal na droga sa Region I. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments