
Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang monitoring sa presyo ng bigas at karneng baboy.
Kasunod ito ng pahayag ng DA na ngayong buwan ng Marso ay magkakaroon ng pagbaba sa presyo ng bigas at karneng baboy matapos na magkaroon ng kasunduan ang mga stakeholders ng hog industry na ibaba ang presyo ng produkto.
Pinatitiyak ng mambabatas sa pamahalaan na makikita at mararamdaman talaga ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng bigas at karneng baboy sa retail level.
Para magawa ito ay hiniling ni Gatchalian sa DA at sa DTI ang pinaigting na pagbabantay sa presyo upang maiwasan ang hoarding, price manipulation at iba pang posibleng pang-aabuso sa mga consumers.
Dagdag dito ay nanawagan din ang senador sa mga retailers at suppliers na gawing makatwiran ang kanilang presyo habang ang gobyerno naman ay dapat na palakasin pa ang kapasidad ng mga magsasaka, magbababoy at iba pang sektor ng agrikultura upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbaba sa presyo ng mga pangunahing bilihin.