MAHINANG TESTIGO | DOJ, binalaan ng abogado ni Benhur Luy kaugnay ng pagsasailalim kay Napoles sa WPP

Manila, Philippines – Binalaan ni Atty. Levito Baligod, dating abugado ni
pork barrel scam whistleblower Benhur Luy, ang Department of Justice (DOJ)
sa plano nitong gawing testigo si Janet Napoles.

Kaugnay ito ng gagawing reinvestigation sa anomalya sa paggamit ng Priority
Development Assistance Fund (PDAF) sa ilalim ng Aquino Administration.

Ayon kay Baligod, dapat alalahanin ng DOJ na mahinang testigo si Napoles.


Aniya, matatandaan na sa pagdinig ng Senado noong 2013, tatlong beses na
tinanong ni Dating Senador Miriam Santiago si Napoles kung ano ang kanyang
kinalaman sa PDAF scam.

Tatlong beses din aniyang sinagot ni Napoles si Santiago na wala siyang
kinalaman sa PDAF scam at siya ay isang lehitimong negosyante.

Dahil dito, nagbabala si Baligod na kung maghahain ang DOJ ng reklamo base
sa testimonya ni Napoles, magiging madali sa kakasuhan na sirain ang
kredibilidad ni Napoles.

Duda rin si Baligod sa motibo ng DOJ sa pagsasailalim kay Napoles sa
Witness Protection Program.

Facebook Comments