Mahusay na home schooling system sa gitna ng COVID-19 pandemic, iginiit ng kampo ni Vice President Leni Robredo

57

Iginiit ng Office of the Vice President na kailangang magkaroon ng mahusay na home schooling system para sa mga estudyante sa harap ng COVID-19 crisis.

Ito ang pahayag ng kampo ni Vice President Leni Robredo matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang manatiling suspendido ang klase hangga’t walang bakuna laban sa COVID-19.


Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo, bagamat nauunawaan nila ang pangamba ni Pangulong Duterte sa muling pagbubukas ng klase sa gitna ng pandemya, kailangang may mailatag na mga hakbang para matiyak na maipagpapatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral.

Sinabi ni Gutierrez na mahalagang magkaroon ng inclusive at epektibong sistema para sa home schooling.

Una nang sinabi ng Department of Education (DepEd) na ang pagbubukas ng klase ay mag-uumpisa sa August 24 pero hindi ito nangangahulugang pisikal na papasok ang mga estudyante at mga guro.

Facebook Comments