Maintenance Crew ng Supermarket Nakuryente sa Vizcaya, Patay!

*Solano, Nueva Vizcaya* – Halos sunog ang ibang bahagi ng katawan ng 19-anyos na maintenance crew ng aksidenteng mahawakan nito ang linya ng kuryente sa taas ng pinagtratrabahuhan nitong Savemore 1 sa Poblacion South, Solano, Nueva Vizcaya kaninang hapon.

Kinilala ang biktima na si Jordan Chris Dumagat, 19-anyos, residente ng Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.

Una rito, umakyat ang biktima sa bubong kasama ang isang maintenance crew upang maglinis ng alulod nang mahawakan nito ang live wire ng Nueva Vizcaya Electric Cooperative o NUVELCO.


Dahil umano sa malakas na hanging naramdaman kaya napakapit ito sa live wire ng nasabing kooperatiba.

Batay sa inpormasyong nakalap ng 98.5 iFM Cauayan, agad naman umanong nakatawag ng tulong ang kasama nitong si Joshua Ringor.

Nadatnan pa ng mga rumespondeng miyembro ng rescue team at Bureau Fire Protection – Solano na may pulso pa ngunit nanginitim na ang kulay ng balat ng biktima.

Naisugod agad ang biktima sa isang pagamutan sa naturang bayan subalit namatay rin bandang alas 4:30 ng hapon kanina habang nilalapatan ng lunas.

Facebook Comments