
Para mapangalagaan ang mga estudyante ngayong pagsisimula ng klase at panahon ng tag-ulan, mas lalo pang pinalakas ng lokal na pamahalaan ng Malabon ang pakikipag-ugnayan sa Schools Division Office (SDO) para sa kapakanan ng mga estudyante.
Ilan sa mga napagkasunduan ng mga ito ay ang pagdedeklara ng suspensyon ng klase kapag masamang lagay ng panahon at pagbaha dulot na rin ng high tide.
Kaugnay nito, idineploy na ng Malabon LGU ang kanilang mga asset tulad ng mobile laundry, mobile charging stations, mobile shower and restroom, mobile water station, mobile clinics, emergency boats and vehicles at early warning systems.
Hangad ng lokal na pamahalaan na maging ligtas ang mga estudyante lalo na kung bumabaha kapag high tide bunsod na rin ng hindi pa natatapos na pagsasaayos ng Tangos-Tanza Navigational Gate.
Bukod dito, tuloy-tuloy ang ginagawang clean-up drives at declogging operations ng mga tauhan ng Malabon LGU para manatiling malinis ang drainage system at iba pang daluyan ng tubig para maiwasan na bumara ang mga basura na nagdudulot ng pagbaha.