Malacañang, maghihigpit ng seguridad kasunod ng pagkakaaresto ng Chinese spies na nagmamanman umano sa Palasyo

Maghihigpit ng seguridad ang Malacañang kasunod ng pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa dalawang Chinese at tatlong Pilipino na umano’y nag-eespiya sa Palasyo.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office o PCO Usec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na naalarma ang Palasyo sa ganitong ulat kung kaya’t paiigtingin nila ang seguridad sa Malacañang at maging sa pangulo para mapigilan ang anumang banta.

Matatandaang naaresto ng NBI ang dalawang Chinese at tatlong Pinoy dahil sa paglabag sa Espionage Act.

Ayon sa mga suspek, inutusan umano sila ng isang Chinese national na si Ni Qinhui upang tiktikan ang Villamor Airbase, Camp Aguinaldo, Malacañang, Camp Crame, at maging ang U.S. Embassy, kapalit ng bayad na 2,500 hanggang 3,000 kada araw.

Narekober din ng NBI ang mga kagamitang ginagamit sa pag-i-espiya, kabilang ang mga sasakyang may nakakabit na unauthorized International Mobile Subscriber Identity IMSI catchers.

Facebook Comments