Malacañang, magpapadala ng bagong liham sa Senado ngayong umaga kaugnay sa hindi pagdalo ng mga Gabinete sa imbestigasyon sa pag-aresto kay FPRRD

Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nagpadala sila ng sulat sa Senado kung saan nakasaad na hindi na dadalo ang mga gabinete na ipinatawag sa ikalawang pagdinig kaugnay sa proseso ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero ayon kay Bersamin, magsusumite sila ng panibagong liham sa Senado ngayong umaga.

May kakaunting revision lamang aniya sa liham pero halos kapareho pa rin ang nilalaman nito sa nauna nilang ipinadala kay Senate President Francis Escudero at Senator Imee Marcos.

Nakasaad sa liham ng Palasyo na hindi na kailangan ang muling pagdalo sa imbestigasyon dahil naisapubliko na ni Senator Imee ang mga detalye ng kaniyang imbestigasyon.

Naniniwala rin ang Malacañang na may hangganan ang executive privilege sa isyu dahil lahat ng usapin na hindi sakop nito ay natalakay na nang husto sa unang Senate hearing.

Giit pa ni Bersamin, may apat na petisyong nakabinbin sa Korte Suprema na may kinalaman sa pag-aresto sa dating pangulo at ayaw nilang maka-impluwensiya o malabag ang subjudice rule ng korte pagdating sa usapin.

Facebook Comments