Malacañang, pumalag sa banat ni dating Pangulong Duterte na papunta na sa diktadurya ang administrasyong Marcos

Pumalag ang Malacañang sa pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na papunta na sa pagiging diktadurya ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, walang batayan at katawa-tawa ang pahayag ni Duterte na aniya’y hindi rin naman pinapansin ng mga Pilipino.

Para sa kanila ay kathang-isip lang din ito at isang kwento ng taong sanay magsinungaling at mag-imbento ng panloloko.


Giit pa ni Bersamin, ang pahayag ni Duterte ay isa na namang ‘budol’ mula sa ‘one-man fake-news factory’ o pabrika ng pekeng balita.

Banat pa ng kalihim na si Duterte mismo ang hindi gumalang sa karapatan ng mamamayan, na sa isang salita lang ay maaaring may mawalan ng buhay, kalayaan, at ari-arian nang walang due process.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Bersamin na hindi babalik ang administrasyon sa mapanupil na pamamahala kung saan ipinapakulong ang mga kritiko gamit ang gawa-gawang kaso at ikinatutuwa pa ang utos na pumatay nang walang pag-aalinlangan.

Mananatili aniyang tapat ang administrasyon sa Saligang Batas at sa paggalang sa karapatan ng mamamayan.

Facebook Comments