Malacañang, sinagot ang banat ng ilang grupo laban sa pagdistansya ni PBBM sa usapin ng dagdag-sahod

Iginiit ng Malacañang na hindi tutol si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na taasan ang sahod ng minimum wage earners, lalo’t makakabuti ito sa mga manggagawa.

Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ng Kabataan Party-list na si Pangulong Marcos ang pumatay sa panukalang batas ng wage hike dahil ayaw umano nitong galitin ang tinaguriang “rich boys club” o mga negosyante at pribadong sektor.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dapat pa rin aniyang sundin ang umiiral na proseso, kabilang ang pagsusuri ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa sahod ng bawat rehiyon.

Dagdag pa ni Castro, hindi diktador si Pangulong Marcos para kumpasan ang Kongreso o sino man na aprubahan ang wage hike, nang hindi kinokonsulta ang mga maaapektuhang sektor, para mabalanse ang kanya-kanyang kapakanan at interes kaya ipinauubaya na nila ito sa Kongreso.

Nauna nang ipinasa ng Kamara at Senado ang magkaibang bersyon ng panukalang dagdag-sahod na ₱100 at ₱200, pero bigong mapagtibay bago magsara ang 19th Congress.

Facebook Comments