
Iginiit ng Malacañang na hindi nila nililihis ang isyu ng Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth at 2025 national budget sa pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tugon ito ng Palasyo sa alegasyon ni Davao City Mayor Baste Duterte na diversionary tactic lamang ang pag-aresto sa kanyang ama para makalimutan ang mga nasabing isyu.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sadyang mainit lang talaga na napag-uusapan ang pag-aresto sa dating pangulo dahil sa araw-araw na balita.
Kayang-kaya din aniya nilang ipaliwanag ang usapin sa PhilHealth at sa katunayan ay mayroon na ngang talakayan tungkol dito na ilalabas sa mga susunod na araw.
Sa usapin naman ng 2025 budget, nanindigan ang Palasyo na sumusunod ito sa enrolled bill principle.
Bwelta pa ni Castro, kung tunay na isyu lang din naman ang dapat pag-usapan, bakit hindi ito umpisahan sa confidential fund ni Vice President Sara Duterte.