Malacañang, umapela sa publiko na ipagdasal ang magandang kalusugan ni PBBM sa halip na gawan ng kwento

May mensahe ang Malacañang sa mga fake news peddler na ginagawan ng kwento ang kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasunod ito ng pagkalat ng video ni Pangulong Marcos sa social media na mayroong dugo sa gilagid habang nagtatalumpati sa Camp Aguinaldo noong Miyerkules.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi makabubuti sa bansa ang paggawa ng kwento tungkol sa kondisyon ng pangulo.

Sa halip aniya na magpakalat ng kung anu-ano sa social media, ay mas magandang ipagdasal na lamang na manatiling malusog ang lider ng bansa.

Giit pa ni Castro, maganda ang kondisyon ng pangulo dahil kung hindi, ay hindi nito magagampanan ang pang-araw-araw na tungkulin.

Nitong nagdaang linggo, sunod-sunod ang naging aktibidad ng pangulo.

Noong Lunes, ay pinangunahan nito ang ang pagwasak ng nasamsam na vape products sa Bureau of Customs (BOC), habang tatlong public events naman ang dinaluhan nito noong Araw ng Kagitingan.

Ngayong araw ng Biyernes, nasa Mindanao ang pangulo para pangunahan din ang tatlong aktibidad.

Facebook Comments