Malacañang, walang nakikitang problema sa pagpataw ng 17% tariff rate ng Amerika sa mga iniluluwas na produkto ng Pilipinas

Hindi nakikitang problema ng Malacanang ang ipinataw na 17% tariff rate ng Amerika sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa naturang bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, good news ito para sa kanila dahil maliit lamang ang epekto nito kumpara sa ibang mga bansa na mas malaki ang ipinataw na taripa.

Ilan sa mga bansang pinatawan ng US ng mas mataas na tariff rates ay ang Indonesia na may 32% na taripa, Vietnam na 46%, at Cambodia na 49%.

Kaugnay nito, hinimok ni Castro ang mga bansang may mataas na tariff rates na ilipat na lamang o palawakin ang kanilang negosyo at dalhin dito sa Pilipinas.

Maaari aniya silang pumunta sa Pilipinas at dito mag-manufacture ng produkto, dahil 17% lamang ang ipinataw sa atin.

Nauna nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na mino-monitor nila ang potensiyal na epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Para sa DTI, nananatiling mahalagang export market ng bansa US na may katumbas na 17% ng kabuuang exports ng bansa noong 2024.

Facebook Comments