Malalimang imbestigasyon sa umano’y bagong tanim-bala sa NAIA, iniutos na ni PBBM

Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang napaulat na bagong insidente ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, titiyakin ng Palasyo na may mananagot sa insidente kung mapapatunayang may sabwatang nangyari.

Hindi papayagan ni Pangulong Marcos na maulit na naman ang modus dahil hindi ito maganda sa imahe ng bansa lalo’t kung turista o kapwa Pilipino ang mabibiktima.

Matatandaang nagviral ang isang video sa social media kung saan hinarang ang bagahe ng isang senior citizen sa paliparaan noong March 6 matapos umanong makitaan ng bala o anting-anting sa kaniyang bagahe.

Sinibak na rin ni Transportation Vince Dizon ang mga tauhan ng Office for Transportation Security na sangkot sa pinakabagong insidente ng tanim bala sa NAIA.

Facebook Comments