
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang seremonya ng pagsisimula ng daloy ng natural gas mula sa Malampaya Phase 4 Project sa Batangas City ngayong Huwebes.
Inaasahang madaragdagan ng 222 billion cubic feet ang reserba ng natural gas ng Pilipinas mula sa matagumpay na pagbabarena sa Malampaya East-1 at Camago-3 wells.
Ayon kay Pangulong Marcos, makatutulong ang proyekto na mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na enerhiya at mapatatag ang suplay ng kuryente.
Mahigit kalahati aniya ng suplay ng enerhiya ng Pilipinas noong nakaraang taon ay nagmula sa ibang bansa, kaya apektado ang bansa kapag may pagtaas ng presyo o pagkaantala sa suplay sa pandaigdigang merkado.
Umaasa rin siyang makatutulong ang paggamit ng sariling natural gas para mapababa ang singil sa kuryente.










