Maluwag na distancing policy, pinagdebatehan ng mga miyembro ng gabinete

69

Pinagdebatehan ng mga miyebro ng gabinete ang planong gradual reduction ng physical distancing sa mga pampublikong transportasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Sa pulong Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na ang pagluluwag ng physical distancing sa pagitan ng mga pasahero ay maaaring mauwi sa muling paglobo ng COVID-19 cases sa bansa.

Batay sa pag-aaral ng Asian Institute of Management (AIM) at Healthcare Professional Alliance Against COVID-19 (HPAAC), sinabi ni Duque na pagliit lamang ng distansya sa pagitan ng mga pasaher sa 0.75 meters mula sa dating isang metro ay magdudulot ng 686 na bagong kaso ng COVID-19 kada araw.

Kung pagbabatayan ang mortality rate na nasa 1.6%, aabot sa halos 4,000 ang bilang ng maitatalang mamamatay kada taon.

Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagsusuot ng face shields at face masks ay sapat para maiwasan ang virus transmission sa public transport.

Tingin naman ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., isa itong ‘risk management.’

Mahalagang hindi nagagalaw ng pasahero ang kanilang masks at iwasan ang pagsasalita, pagkakain at paggamit ng kanilang mobile phones sa public transport.




Naniniwala si Galvez na mas mataas ang transmission ng COVID-19 sa loob ng bahay at opisina.

Hindi naman sang-ayon si Interior Secretary Eduardo Año na luwagan ang distancing dahil maaring magresulta muli ito para itaas muli ang community quarantine.

Dahil dito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang IATF na bigyan siya ng visual report sa epekto ng pagbabawas ng physical distancing upang maunawaan pa niya ito.

Magpupulong ang IATF ngayong araw kasama ang ilang medical experts para talakayin ang usapin.

Facebook Comments