Saturday, May 16, 2026

MANDATORYONG PAGSUSUOT NG REFLECTIVE VEST SA GABI, IPINATUTUPAD SA ALAMINOS CITY

Mahigpit nang ipinatutupad ang Provincial Ordinance No. 325-2024 sa Alaminos City, na naglalayong palakasin ang kaligtasan sa kalsada, lalo na sa oras ng gabi. Sa ilalim ng ordinansa, kinakailangang magsuot ng high-visibility reflective vest ang mga nagmamaneho ng motorsiklo at traysikel, habang ang mga gumagamit ng bisikleta, e-bike, at e-trike ay dapat may suot na reflective vest o may nakakabit na high-visibility lights.

Saklaw ng patakarang ito ang oras mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga, kung kailan mas mataas ang panganib ng aksidente dahil sa mababang visibility sa mga lansangan.

Itinakda rin ang kaukulang parusa para sa mga lalabag sa ordinansa. Sa unang paglabag ay babala lamang ang ipapataw. Sa ikalawang paglabag ay may multang ₱1,000, habang ₱2,000 naman sa ikatlong paglabag. Para sa ikaapat na paglabag, maaaring pagmultahin ng ₱5,000 o patawan ng pagkakakulong na hindi lalampas sa isang taon, batay sa magiging desisyon ng hukuman.

Layunin ng ordinansang ito na mabawasan ang aksidente sa kalsada at maprotektahan ang lahat ng gumagamit ng lansangan. Hinihikayat ang publiko na sumunod sa itinakdang alituntunin upang maiwasan ang disgrasya at karampatang parusa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments