
Isasaayos na ang Manila Central Post Office na lubhang napinsala ng sunog mahigit dalawang taon na ang nakalipas.
Ito ay matapos pumirma ng Memorandum of Agreement ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Postal Corporation para sa isasagawang retrofitting at restoration.
Alinsunod na rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na pangunahan ng ahensiya ang rehabilitasyon ng makasaysayang gusali.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, gagawing prayoridad ng DPWH ang Phase 1 ng restoration ng Manila Central Post Office Project, kabilang ang pagsasa-ayos ng facade o harapan ng gusali sa lalong madaling panahon.
Makikipagtulungan din aniya ang DPWH sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang masigurong mapapanatili ang historical value nito.
Ang Manila Central Post Office na itinuturing na isa sa mga pinaka-iconic na istruktura sa Maynila ay nasunog noong 2023 at inabot ng mahigit 30 oras bago tuluyang maapula.









