
Pormal nang nanumpa sa katungkulan bilang bagong halal na alkalde ng Maynila si Isko Moreno.
Naging simple lamang ang panunumpa ni Isko sa harap ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr. na ginanap sa Supreme Court En Banc Session Hall sa Ermita, Manila kahapon.
Sinabi ni incoming Manila City Information Officer E-jhay Talagtag na pinili ng bagong alkalde ang isang simpleng seremonya para sa kanyang pagbabalik sa Manila City Hall.
Humingi naman paumanhin si Mayor Isko sa mga gustong dumalo at ipinaliwanag nito na nais niyang mabilis na matapos ang oath-taking para makapagsimula kaagad sa trabaho sa June 30 ng tanghali.
Aniya, inagahan ang oath-taking para mailaan ang buong panahon at isip sa mas mahahalagang bagay tulad ng pagbibigay solusyon at aksyon sa mga suliraning kinahaharap at kahaharapin ng lungsod ng Maynila.
Pahayag pa ng uupong alkalde, hahayaan na muna niya ang kaniyang transition team na makipag-ugnayan sa kasalukuyang adminsitrasyon upang maging maayos ang pagpapalit-liderato sa Manila City Hall.