Mas mataas na buwis sa vape products, dapat na umanong ikunsidera ng gobyerno —BIR

Dapat na umanong ikunsidera ng gobyerno ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga vape products kaysa sa tradisyonal na sigarilyo.

Ayon kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Assistant Commissioner Jethro Sabariaga, bagamat dapat na pareho ang pagbubuwis sa mga ito, dapat na isaalang-alang ang patuloy na paglala ng paggamit dito ng publiko, lalo na sa mga kabataan.

Aniya, ang isang vape product ay hindi katulad ng pagkonsumo ng isang pack ng sigarilyo.

Sa avarage, ang isang sigarilyo ay nauubos sa 300 puffs samantalang ang pinakamababang puff sa vape ay nasa 600 na depende sa kung gaano mapang-akit ang mga label nito.

Naniniwala si Sabariaga na ang mas mataas na buwis sa vape products ay magreresulta sa mas maraming batang henerasyon na mailalayo sa pagbili at paggamit nito.

Batay sa datos, umakyat ng 40% ang bilang mga kabataang gumagamit ng vape products noong 2023. Ito’y kung ihahambing sa 7.5% na naitala noong 2021.

Ang naturang mungkahi ng BIR ay lumutang sa gitna ng deliberasyon sa Senado para amyendahan ang excise tax sa tabako at sa pagtugon sa lumalalang illicit vape trade.

Facebook Comments