Mas pinaigting na police visibility, paiiralin ng NPD

Mas maraming pulis pa ang ipapakalat ng Nothern Police District (NPD) ngayong panahon ng Kapaskuhan sa CAMANAVA area.

Ayon kay NPD Director Police Col. Ponce Rogelio Peñones Jr., iniutos niya sa lahat ng mga hepe ng police station sa mga lungsod na kanilang nasasakupan na paigtingin pa ang police visibility upang masiguro ang seguridad at kapayapaan.

Aniya, dodoblehin nila ang bilang ng mga pulis na itatalaga sa mga matataong lugar tulad ng mga commercial centers, malls at mga simbahan.


Sinabi ni Peñones na sa mga ganitong panahon ay sinasamantala ng mga kriminal ang mga pagkakataon lalo na’t kaliwa’t kanan ang pamimili ng publiko.

Pero giit ng opisyal na hindi nila hahayaan ang mga kriminal na gawin ito kaya’t bukod sa mga uniform personnel ay iikot rin ang ilang mga pulis na naka-sibilyan.

Bukod dito, 24/7 rin ang gagawing pagpa-patrolya upang mabantayan rin ang mga komunidad habang nasa pasyalan o nasa bakasyon ang ilang pamilya.



Facebook Comments