MASS FOR PEACE, UNITY WALK AND COVENANT SIGNING PARA SA 2025 MIDTERM ELECTIONS, ISINAGAWA SA PANGASINAN

Tiniyak ng Commission on Elections o COMELEC Pangasinan katuwang ang iba’t-ibang law enforcement agencies sa Region 1 ang patuloy na pagtataguyod sa panatang makapagdaos ng isang malinis, maayos at payapang eleksyon sa darating na Mayo.

Alinsunod dito, isinagawa sa pangunguna ng Pangasinan Police Provincial Office at COMELEC katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang Mass for Peace, Unity Walk, Interfaith Prayer Rally, Solidarity Pact Signing, Peace Covenant Signing and Candidates’ Forum sa Pangasinan PPO, Lingayen, Pangasinan.

Inihayag ni Pangasinan PPO Provincial Director PltCol. Rollyfer Capoquian, ang mas pinaigting na pagbabantay sa probinsiya, lalo na ang mga kabilang sa Yellow Category o Areas of Concern upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.

Pagbabahagi naman ni COMELEC Pangasinan’s Provincial Election Supervisor Atty. Marino Salas ang kinakailangang at nararapat na patas na halalan, maging ilang paalala para sa mga aspirante lalo at magsisimula na ang campaign period.

Hinimok naman ni PPCRV Regional Coordinator for Luzon Trustee, National Board Janice Hebron ang pagkakaisa ng awtoridad at mga botante upang makamit ang mapayapang eleksyon. Binigyang-diin nito ang pagsasaalang-alang ng dignidad at integridad ng mga aspirante sa gitna ng mga posibleng incidente ng pagbili at pagbenta ng mga boto.

Dagdag niya na nakatitiyak ang publiko na mananatiling patas ang kanilang non-partisan organization bilang isa sa may mahalagang gampanin sa darating na halalan.

Dumalo rin sa naturang aktibidad ang ilang mga aspirants mula sa lalawigan na nakiisa sa panawagan ng malinis at mapayapang halalan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments