Sunday, August 16, 2026

Mataas na singil sa kuryente, pinaiimbestigahan ng Senado

Naghain ng dalawang magkahiwalay na resolusyon sina Senator Ping Lacson at Senator Bam Aquino na layong paimbestigahan ang mataas na singil sa kuryente.

Sa Senate Resolution 508 ni Aquino, at Senate Resolution 511 ni Lacson, pinasisiyasat sa kaukulang komite sa Senado ang tumataas na presyo o singil ng kuryente sa bansa.

Binigyang-diin ni Aquino sa kaniyang resolusyon na isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente at malaking hadlang ito sa paglago ng ekonomiya, nagpapabigat sa gastusin ng mga pamilya at mga maliliit na negosyo, at nakapagdudulot ng seryosong pangamba sa kakayahan, transparency at overall performance ng electric power sector.

Partikular naman na pinaiimbestigahan ni Lacson ang mga dumadagsang reklamo sa Meralco ukol sa bigla at hindi maipaliwanag na pagtataas ng singil sa kuryente.

Tinukoy sa resolusyon ang napakaraming reklamo ng iregularidad o maling pagbasa ng metro at ang problema sa patuloy na tampering ng metro, illegal connections at paggamit ng jumpers na ipinapapasan sa mga matitinong consumers.

Ikinakatwiran ng Meralco na ang dahilan sa pagtaas ng kanilang singil ay ang mataas na generation cost ng mga planta ng kuryente, pagtaas sa presyo ng petrolyo, at paghina ng piso kontra dolyar.

Facebook Comments