Pinagsusumite na ng Office of the Ombudsman ng Counter-Affidavit ang alkalde at bise alkalde ng Marilao, Bulacan na inirereklamo dahil sa umano’y ginawang pagpapalit ng mga laman ng family food packs na galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa order na pirmado ng Ombudsman for Luzon, pinagpapaliwanag sa loob ng 10-araw ang panig ng mga respondent, bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng Anti-Graft Body.
Bukod kay Mayor Henry Lutao, kabilang din sa mga sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay sina Vice Mayor Bob Dela Cruz, Municipal Councilor Allaine Sayo at isang kagawad ng barangay.
Batay sa complaints affidavit ng isang Alexander Montilla, pinalitan at muling ni-repack ang laman ng relief goods mula sa DSWD at ipinamigay sa mga residente ng Marilao na biktima ng pagtama noon ng Bagyong Carina at epekto ng Habagat noong buwan ng Hulyo 2024.
Nakasaad sa reklamo na mula sa kahon ay inilipat ang Relief Goods sa isang plastic bag na mayroon nang pangalan at mukha ni Mayor Lutao at ipinamudmod sa mga residente ng Brgy. Sta. Rosa Dos, Marilao.
Batay sa implementing guidelines ng DSWD, bawal i-repack o buksan ng simumang LGU ang ipinamimigay na relief goods dahil ito ay naka-disenyo at akma sa tatlong araw na pangangailan ng bawat pamilya na biktima ng isang kalamidad.