Nanawagan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calasiao sa publiko na limitahan ang pagligo sa ilog ngayong panahon ng tag-ulan at habagat dahil sa mas mataas na banta ng pagkalunod.
Ito ay matapos maglabas ng abiso ang ahensya noong Hunyo 8 kasunod ng pagkasawi ng isang menor de edad na nalunod habang naliligo sa ilog noong Hunyo 6.
Ayon sa MDRRMO, nagiging mas mapanganib umano ang daloy ng tubig sa ilog sa panahon ng tag-ulan dahil sa pabago-bagong lalim at lakas ng agos ng tubig.
May mga bahagi rin ng kailugan na mas malalim kaysa sa inaakala ng mga naliligo, lalo na kapag tumaas ang lebel ng tubig.
Dahil dito, hinikayat ng tanggapan ang mga magulang at tagapag-alaga na higpitan ang pagbabantay sa kanilang mga anak at huwag hayaang magtampisaw o maligo sa ilog para maiwasan ang mga kaparehong insidente habang nagpapatuloy ang tag-ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










