
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tuloy ang pagkakaloob ng medical at burial aid sa kabila ng 10-day ayuda ban.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, tanging ang medical at burial assistance ang papayagang maipamahagi at hindi kasama ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP).
Nauna nang naglabas noong March 18 ng resolusyon ang Commission on Elections (COMELEC) para sa ayuda ban simula May 2 to 10 .
Nagpasalamat naman ang DSWD sa COMELEC sa ibinigay na exemption sa pamamahagi ng medical at burial assistance dahil maipagkakaloob ang maagap at mapagkalingang serbisyo sa mga higit na nangangailangang mamamayan.
Tiniyak naman ng DSWD na makasusunod ang kanilang mga field offices sa pagbabawal na makisawsaw ang mga kumakandidatong politiko sa pamamahagi ng naturang pinansyal na ayuda .