
Hiniling ni House Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar sa pamahalaan na maglatag ng mga hakbang na mangangalaga at titiyak na maayos ang estado ng mental health sa sektor ng edukasyon.
Giit ni Villar, mahalagang siguruhin ang mental wellness o maayos na pag-iisip ng mga mag-aaral upang maiwasan na makagawa sila o masangkot sa mga hindi kanais-nais na asal at gawain tulad ng diskriminasyon sa mga paaralan at bullying.
Kaugnay nito ay iminungkahi din ni Villar sa mga eskwelahan na kumuha dagdag na guidance counselors na magsasagawa ng regular na counselling consultations at assessment sa mental well-being ng mga mag-aaral.
Kasama rin sa suhestyon ni Villar na pag-ibayunin ang access sa mental health therapist services ng mga paaralan at bawat komunidad para matugunan ang lumalalang mental health crisis sa education sector.