Mga aktibidad sa Chinese New Year, inilatag na ng Manila LGU

Inilatag na ng Manila Local Government Unit (LGU) ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila.

Ayon sa Manila Public Information Office, magkakaroon ng China Town Food Festival sa Plaza Lorenzo Ruiz hanggang Jan. 22, mula alas-10 umaga hanggang alas-10 ng gabi.

Gaganapin naman ang Chinese New Year countdown sa Jones Bridge sa Jan. 21 ng alas-11 ng gabi.


Pahihintulutang manood ang publiko ng fireworks display sa kahabaan ng Jones Bridge na magsisilbi bilang viewing deck.

Sa araw mismo ng selebrasyon ng Chinese New Year sa Linggo, gaganapin ang Dragon Boat competition sa Birch Tree Plaza sa Binondo sa ganap na alas-8 ng umaga.

Dakong alas-2 ng hapon ay gaganapin ang Solidarity Parade na magsisimula sa gusali ng Post Office na matatagpuan sa dulong hilaga ng Liwasang Bonifacio sa Ermita.

Magaganap din ang bantog na Huaxing Arts Group Chinese Cultural Show na kinasasabikan ng mga Chinese-Filipino community sa Plaza Lorenzo Ruiz.

Facebook Comments