Mga bumabatikos sa patayan, binanatan ni Pangulong Duterte sa SONA

Pinasaringan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko na patuloy na pinupuna ang mga patayan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), tanong ni Pangulong Duterte kung hindi ba natutuwa ang mga kritiko ngayong kakaunti na lamang ang mga kriminal sa bansa.

“Hindi ba kayo maligaya ‘yan wala nang kriminal. Ang problema nito ang nakikta nila ang patay na mga kriminal. Well, how about the victims on the other side?” sabi ng pangulo.


Dapat aniyang magpasalamat ang mga ito dahil ligtas at kampante na silang nakakalabas ng kanilang bahay na walang pangambang aatakehin ng mga masasamang elemento.

“Malaki ang pasasalamat ng mga kababayan natin, lalo na silang sinasabi na mas panatag ang loob nila ngayon.” ayon kay Pangulong Duterte.

“Hindi na nababahala ang mga magulang na lumalabas ang mga anak nila naglalakad sa gabi,” diin pa ng Punong Ehekutibo.

Iginiit ni Pangulong Duterte na gusto niyang mapanatiling ligtas ang mga kalye at kalsada para sa mga Pilipino dahil hindi niya gustong marinig na may mga nabibiktima ng krimen o napapatay ng mga taong lulong sa droga.

Apela ng pangulo sa mga kritiko na ikonsidera rin ang mga inosenteng buhay na namamatay dahil sa mga kriminal.

Facebook Comments