Mga Discaya, sabit din sa mga hindi natapos na health centers

Nabuking sa budget hearing ng Department of Health (DOH) sa Senado na sangkot din sa kwestyunableng pagtatayo ng health facility ng Department of Health (DOH) ang construction firm ng mga Discaya.

Sa pagtatanong ni Health Committee Chairman Risa Hontiveros ay tinukoy ni Health Secretary Ted Herbosa ang St. Timothy Construction Corporation ng mga Discaya na sangkot sa non-operational o walk-away health centers noong 2020.

Sinabi ng kalihim na nalaman niya ang tungkol dito matapos ilabas ng pangulo ang Top 15 contractors na sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.

Paliwanag ni Herbosa, ang mga walk-away na health facilities ay gawa ng mga contractors na nanalo sa bidding, kinuha ang bayad, pero hindi naman tinapos ang proyekto dahilan kaya hindi ito magamit o mapakinabangan.

Duda si Senator Bam Aquino na tila ghost project ito pero paglilinaw ni Herbosa idinedeklarang delayed ang mga projects at agad nilang tine-terminate ang kontrata at ang natitirang halaga ng proyekto na hindi natapos ay hahanapan ulit ng panibagong contractor para tapusin.

Sinabi ni Herbosa na 30% ang mga delayed constructions at ito ay kasalanan ng mga contractor.

Dagdag pa ni Herbosa, kalimitang ayaw tanggapin ng mga contractors ang mga proyekto para sa health facilities dahil sa ito ay “manipis”, ibig sabihin strikto sila sa pagpapatayo ng kanilang mga pasilidad dahil hinihingan muna nila ang mga contractor ng detalyadong architectural at engineering designs para sa paglilisensya ng pasilidad.

Facebook Comments