Mga eskwelahan sa Mindanao, mas tinututukan ng AFP kontra recruitment ng mga terorista

59

Isa sa mahalagang stratehiya na ginagawa ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglaban sa terorismo sa bansa ay mapigilan ang recruitment ng mga terorista sa mga kabatan.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd), sa mga eskwelahan sa Mindanao, mga Local Government Unit (LGU) at iba pang concerned agencies para mapigilan ang ginagawang pagre-recruit ng mga grupo ng terorista sa bansa.

Bukod dito, may stratehiya na rin silang ginagawa para hindi ma-recruit ang mga residente rin ng Mindanao at gumagawa na rin sila ng paraan para hindi makalabas-pasok sa bansa ang mga foreign terrorist.

Sinabi ni Gapay, nababahala rin sila sa pagdami ng mga suicide bomber sa bansa lalo’t may mga Pinoy na sinasanay ang mga foreign terrorist para maging suicide bomber.

Matatandang taong 2019 nang kumpirmahin ng AFP na sa kauna-unahang pagkakataon isang Pinoy ang nagsilbing suicide bomber sa katauhan ni Norman Lasuca sa Indanan, Sulu na ikinamatay ng walong katao kabilang ang tatlong sundalo, dalawang bombers at 12 ang sugatan.

Facebook Comments