
Isasailalim ng Department of Education (DepEd) sa psychological first aid sessions ang mga estudyanteng naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao kahapon.
Ayon kay Education Assistant Secretary for Operations Jocelyn Andaya, palilipasin lang nila ang linggong ito bago isagawa ang psychological first aid sa mga estudyante.
Marami aniya kasing mga mag-aaral ang nagkakaroon ng trauma matapos nilang masaksihan ang malakas na pagyanig kahapon.
Sinabi ni Andaya na pagkatapos ng psychological support activities, mamamahagi ang DepEd ng worksheets sa mga estudyante.
Ito ay habang inihahanda ang mga silid-aralan na napinsala ng pagyanig.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na hindi muna papayagan na bumalik ng mga eskwelahan ang mga estudyante at hindi muna sila bibigyan ng academic tasks.
Kailangan muna aniya kasing isailalim sa evaluation at damage assessment ang mga paarala para matukoy kung ligtas na itong gamitin.
Sa tala ng DepEd, 161 mga paaralan ang napinsala ng lindol kung saan kabuuang 523 classrooms ang nagtamo ng minor damage, 204 ang nagkaroon ng major damage, at 105 paaralan ang tuluyang napinsala.










