Mga hacker, bigong pasukin ang internet voting system —Comelec

Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na wala pa ring tigil ang hackers na sinusubukang pasukin ang kanilang website mahigit isang buwan bago ang midterm elections sa Mayo.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, aabot sa 60,000 ang hacking attempts na target ang Online Voting and Counting System o Internet Voting ng poll body.

Pero wala raw kahit isa rito ang nagtagumpay at hindi rin nakompromiso ang mga sensitibong impormasyon.

Nasa mahigit isang milyong beses din tinangkang i-hack ang website ng Comelec.

Samantala, naniniwala ang Comelec na posibleng sunod na target ng mga hacker ang precinct finder na kanilang ilalabas.

Sa kabila niyan, patuloy na nakikipag-ugnayan ang poll body sa Department of Information and Communications Technology para bantayan ang mga posible pang hacking attempts habang papalapit ang halalan.

Facebook Comments