Mga ina na namatayan ng anak sa war on drugs, naiyak sa tuwa sa pagkaaresto ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo

Labis ang pasasalamat ng mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings sa Payatas sa pagkaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo.

Mangiyak-ngiyak na humarap sa media ang mga inang sina Maria Belen Daan, Leonila Aguilar at Teresita Campo sa Lupang Pangako Parish sa Payatas.

Sinabi ni Belen Daan na nabigyan na rin ng hustisya ang anak niya na si Marcelo Daan na napatay sa isang drug buy bust operation noong August 21, 2016 matapos mapagkamalang tulak ng droga.

Kabilang sa sumisigaw ng katarungan ay si Ginang Leonila Aguilar na namatayan ng manugang noong August 3,2016.

Aniya, nagtitinda lang ng gulay ang manugang na si Dante Santos nang mapagkamalang nagtutulak ng droga.

Maliban sa pagpatay dito, tinangay pa umano ng mga pulis ang kinita nitong ₱40,000.

Ayon naman sa inang si Teresita Campo, na-interview sila noon ng mga tauhan ng ICC hinggil sa pagkamatay ng anak sa isang drug buy bust.

Isang misa ang idinaraos ngayon na alay para sa pamilya ng extrajudicial killings (EJK) sa Lupang Pangako Parish, Payatas.

Facebook Comments