Ipinamalas ng dalawampung kabataan na may kapansanan mula sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan ang kanilang galing sa larangan ng Information and Communications Technology (ICT) sa idinaos na 3rd Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities, na ginanap sa Provincial Training and Development Center II sa Lingayen.
Nagtagisan ng talino ang mga kalahok sa apat na ICT-based categories: e-Life Map, e-Tool Excel, e-Tool PowerPoint, at e-Tool Content (Movie Making). Kabilang sa mga bayan na may pinakamaraming kinatawan at nanalo ay ang Bayambang, Alaminos, San Carlos, Sta. Barbara, at Mangatarem.
Kinilala bilang mga kampeon sa kani-kanilang kategorya sina Lina Aquino Junio, Ken Solomon David, Mark Lorenze Posadas, at John Patrick Cervantes. Sila ang magiging opisyal na kinatawan ng lalawigan sa nalalapit na National IT Challenge for Youth with Disabilities na gaganapin mula Hunyo 24 hanggang 27 sa Ramada Hotel, Binondo, Maynila.
Layunin ng aktibidad na itaguyod ang isang makabago at inklusibong digital future para sa kabataang may kapansanan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kamalayan, pagpapalakas ng tiwala sa sarili, at pagbibigay ng oportunidad na maipamalas ang kanilang kakayahan sa mundo ng teknolohiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣