Mga Kongresista at staff na dumalo sa Special Session, pinag-quarantine na rin

101

Inabisuhan na ni House Secretary General Jose Luis Montales ang mga Kongresista na dumalo sa Special Session nitong Lunes, March 23, na sumailalim na rin sa self-quarantine.

Ito ay matapos na kumpirmahin ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na siya ring Chairman ng Appropriations Committee na nagpositibo siya sa COVID-19 kung saan kasama din sa ginawang Special Session ang Kongresista.


Ayon kay Montales, kasama sa mga sasailalim sa self-quarantine mula ngayong araw si House Speaker Alan Peter Cayetano.

Maging ang mga staff at mga empleyado ng Kamara na present sa Special Session ay pinag-home quarantine na rin.

Sa kabuuan ay nasa 20 Kongresista at 10 staff ang dumalo at physically present sa Special Session kasama pa dito sina Executive Secretary Salvador Medialdea, DILG Sec. Eduardo Año, at Budget Sec. Wendel Avisado.

Tiniyak naman ni Montales na sinusunod ng Kamara ang protocol at regular na pag-disinfect sa mga gusali, halls at kwarto na ginamit sa Batasan.

Facebook Comments