Mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni BuCor Chief Bantag, umuugong sa DOJ

1847

Umuugong ngayon sa Department of Justice (DOJ) ang posibleng pagsibak kay Bureau of Corrections (Bucor) Chief Gerald Bantag matapos makipagpulong si Justice Secretary Crispin Remulla sa isang international criminology expert para sa pagpapatupad ng pagbabago sa correction system ng bansa.

Una nang tinukoy ni Remulla na isa ang BuCOR sa problematic agency na nasa ilalim ng DOJ kung saan ilang aktibidad dito ay nakasisira sa lipunan.

Sinabi ni Remulla na dahil sa walang tigil na kontrobersiya sa loob ng BuCor kaya nalalagay ang buong gobyerno sa masamang imahe.


Naging kontrobersyal ang pamumuno ni Bantag matapos masangkot ang BuCOR sa pagkamatay sa COVID-19 ng 8 high profile inmates sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan sinampahan na ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ ang mga sangkot sa Bilibid deaths.

Sinasabing pumasok din sa isang maanomalyang Joint Venture Agreement (JVA) si Bantag sa pagitan ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation (ATOM) para sa paglipat ng prison facilities mula sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa Nueva Ecija.

Lumitaw na Oktubre 2021 nang pumasok sa kasunduan sa ATOM si Bantag at nang malaman ito ni dating Justice Secretary Menardo Guevarra noong Disyembre 2021 ay agad na pinasuspinde ang JVA gayundin kinastigo ng Muntinlupa City Council si Bantag na pumapasok sa isang master development plan nang wala raw pag-abiso sa local government.



Hindi lamang daw ito ang kauna- unahan na nagdesisyon mag-isa si Bantag nang walang pagkonsulta sa DOJ at Muntinlupa City Government

Hindi rin daw kinunsulta noon ni Bantag si Secretary Guevarra nang payagan nitong ma-interview ng SMNI ang nakakulong na si Retired General Jovito Palparan.


Facebook Comments