Mga kulungan sa bansa, masyado nang siksikan – COA

Tumindi pa ang siksikan sa mga bilangguan sa bansa.

Ito ang nakita ng Commission on Audit (COA) base sa 2018 annual audit report para sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Halos 439.48% ang congestion sa mga piitan, katumbas ng 111,046 inmates na sobra na ideal capacity na para lamang sa 25,268 inmates na naaayon sa local at international standards.


Ayon sa COA, tumaas ang jail population dahil sa pagtaas ng bilang ng drug-related cases sa bansa.

Isa rin sa dahilan ng pagsisikip sa kulungan ay ang mabagal o kawalan ng aksyon ng korte sa mga nakabinbing kaso dahil sa kakulangan ng judges, pagpapaliban ng mga pagdinig at mabagal na disposition ng criminal cases na may parusang reclusion perpetua.

Ang rehiyon na pinaka-crowded ang mga bilangguan ay sa Zamboanga Peninsula kung saan ang jail population ay nasa 5,709 pero ang kapasidad lamang nito ay para lamang sa 766 inmates.

Ang may pinakamababang congestion rate ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 143 inmates mula sa carrying capacity na nasa 103.

Ang Metro Manila ay may total jail population na higit 36,035 inmates habang ang kapasidad lamang ng mga kulungan ay para lamang sa 5,237 inmates.

Facebook Comments