Mga local police, mas pinaalerto kasunod ng pagkakaaresto sa asawa ng Abu Sayyaf bomb expert sa Sulu

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng himpilan ng pulisya sa Sulu at iba pang lalawigan na mas higpitan ang seguridad.

Ito ay upang handa sa posibleng pag-atake ng Abu Sayyaf Group matapos maaresto nitong Sabado ang asawa ng kanilang Sub-leader at bomb maker Mundi Sawadjaan na si Fatima sa Sitio Badjao Annex, Barangay Bus-Bus.

Ayon kay Eleazar, malaking development sa kanilang mga operasyon ang pagkakaaresto kay Fatima dahil ito ay magbibigay daan para mahuli na rin si Sawadjaan at mga kasama nito.


Si Mundi Sawadjaan ang talagang target ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya para pagsilbihan ng arrest warrant pero nakatakas siya gayundin ang iba pa niyang kasamahan.

Si Sawadjaan ang itinuturong utak sa serye ng mga pag-atake sa Sulu at iba pang lugar sa Mindanao katulad ang nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu nang nakaraang taon.

Facebook Comments