
Patuloy na hinihikayat ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga trucker at motorista na may sasakyang mahigit tatlong tonelada ang bigat na gumamit na lamang ng roro sa halip na tumawid ng San Juanico Bridge.
Ito ay dahil sa ipinatutupad na weight limit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa structural concerns sa tulay na nagdurugtong sa Samar at Leyte.
Ayon sa PPA, nakikipag-ugnayan sila sa stakeholders upang mapanatiling maayos ang operasyon sa mga pantalan na may mga bumibiyaheng roro.
Ilan sa mga tinukoy na alternative ports para sa roro sa pagitan ng Samar at Leyte ay ang Tacloban Port, Calbayog Port, Catbalogan Port, Biliran Port, Ormoc Port, Manguinoo Port, Hilongos Port, Maasin Port, Naval Port, Palompon Port, Calubian Port at Villaba Port.
Tatagal ng tatlong taon ang weight restriction ng DPWH habang isinasagawa ang rehabilitation ng tulay.
Samantala, aminado ang PPA na may ilang delay na biyahe sa mga pantalan dahil dito.