
Obligado nang magparehistro ang mga kumpanya, grupo, at indibidwal na magsasagawa ng survey tungkol sa darating na halalan sa Mayo.
Batay sa inilabas na supplemental resolution ng Commission on Elections (Comelec), kailangan nang magpa-register ng sinumang magsasagawa at magpapakalat ng resulta ng survey para sa midterm elections.
Kaugnay niyan, may 15 araw ang mga survey firm para makumpleto ang pagpaparehistro at kung mabibigo ay pagbabawalan na silang gumawa nito.
Inaatasan din ang mga survey company na magsumite sa Comelec ng komprehensibong mga ulat at isama rin sa ire-report ang gastos ng kandidato para sa survey.
Ito ay upang malaman kung magtutugma sa ibibigay na Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.
Samantala, maghihigpit din ang poll body sa media entities na maglalabas ng resulta ng survey kung saan dapat din ilagay ang kumpanyang gumawa ng survey at kung sino ang nagkomisyon o nagbayad.
Tiniyak naman ng Comelec na babantayan nila ang mga survey firms at iba pa para malaman kung sumusunod talaga ang mga ito.