
Naniniwala si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na malaking tulong sa mga bagong pulis ang iniwang legasiya ng mga bayaning SAF 44 na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapakanan ng Sambayanang Pilipino.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na Day of National Remembrance for the Heroic Sacrifice of SAF 44, sinabi ni Secretary Remulla na huwag dapat kalimutan ang sakripisyong inialay ng SAF 44 sampung taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Remulla, napakahalaga ang iniwang legasiya ng SAF 44 na dapat maikintal sa kaisipan ng mga kapulisan at maisabuhay upang tularan ng mga susunod na henerasyon.
Paliwanag pa ng Kalihim na dapat maging matapang at mayroong pagmamahal sa bayan ang isang papasok na pulis sa Pambansang Pulisya.
Giit pa ni Remulla na napakahalaga na mayroong tunay na pagmamahal sa bayan ang isang alagad ng batas na handang iaalay ang kanyang buhay para sa kapakanan ng nakararaming mga Pilipino.