
Pinag-aaralan pa ng Bureau of Customs (BOC) kung pwedeng i-donate sa Department of Agriculture (DA) ang mga nakumpiskang ₱200 milyong halaga ng mackerel at galunggong kamakailan sa Port area ng Maynila.
Ito ay matapos na masabat ang mga ito na misdeclared bilang frozen goods at nagmula sa China.
Sabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, hindi kasi dumaan sa tamang proseso at walang kaukulang permit ang mga nakumpiskang isda.
Kaya pagkatapos gamitin sa korte ang ebidensiya at sumalang sa pagsusuri kung ligtas kainin, makikipag-ugnayan ang BOC sa DA para sa posibilidad na i-donate ang mga produkto.
Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na pasok ito sa paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act dahil daan-daang milyong pisong halaga ng produkto ang sangkot dito.