
Kaniya-kaniyang putol ng bakal at yero ang ilang nasunugang residente sa NIA Road Barangay Pinyahan, Quezon City upang may maibenta at maipambili ng pagkain.
Ito’y matapos ang clearing operation na isinagawa sa mga natitirang istraktura ng mga nasunog na kabahayan.
Ang clearing operations ay inumpisahan sa mga totally damaged na mga bahay, kasunod ng malawakang sunog noong Marso.
Ayon kay Dick Manlapas, nangutang siya ng halagang ₱20,000 upang mamili ng ng mga retaso ng bakal at yero na kinokolekta ng mga residente.
Tulong na rin niya ito sa mga kapwa niya nasunugan lalo pa’t matagal ang 18-months na pagtatayo ng vertical housing units sa lugar.
Binibili niya sa halagang 5 pesos per kilo ang mga retaso ng yero habang 10 pesos per kilo naman sa mga retaso ng bakal.
Magtatayo ng pitong vertical housing buildings sa lugar na pakikinabangan ng lagpas 2,000 pamilya.
May naihatid na ring tulong ang lokal na pamahalaan kasama any Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Housing Authority (NHA) sa mga pamilyang naapektuhan.










