Sunday, May 24, 2026

Mga negosyo, posibleng umatras sa kontrobersiyal na panukalang advertising permit ng DTI

Tutukan na lamang ang paghihigpit sa mga mapanlinlang at pekeng advertisements sa halip na pahirapan pa ang mga lehitimong negosyo.

Ito ang mungkahi ng isang mambabatas sa planong Department Administrative Order ng Department of Trade and Industry (DTI) na mag-oobliga sa mga negosyo na kumuha muna ng permit bago makapaglabas ng advertisements at sales promotions.

Ayon kay Sen. Bam Aquino, dagdag-pahirap at dagdag-gastos umano ang panukala lalo na para sa maliliit na negosyo at online sellers na patuloy pang bumabangon sa mataas na presyo ng langis at iba pang operational costs.

Sa ilalim ng panukala, kailangan pang magsumite ng aplikasyon ang mga negosyo hanggang tatlumpung working days bago makapaglabas ng digital ads, sponsored posts, videos, billboards at iba pang promotional materials.

Sa panahon aniya ng mabilisang online marketing at digital selling, hindi makatarungan na paghintayin ng isang buwan ang mga negosyante bago sila makapag-promote ng kanilang produkto at serbisyo.

Binigyang-diin din ni Aquino na maaaring umurong sa pagnenegosyo ang ilang MSMEs dahil sa dagdag na requirements at bayarin na aabot umano mula P975 hanggang mahigit P9,000 kada advertisement.

Facebook Comments