Mga opisyal at tauhan ng PhilHealth, pinasasampahan ng kaso kaugnay sa maanomalyang claims

Pinasasampahan ni Senior Citizen Rep. Francisco Datol sa Department of Justice ng kaso ang mga opisyal at tauhan ng Philippine Health Insurance Corporation na sangkot sa mga maanomalyang claims.

Ayon kay Datol, maaaring sampahan ng economic sabotage through large-scale estafa sa bawat isang kasong may kinalaman sa P154 Billion fraud dialysis claims ang mga opisyal ng PhilHealth.

Paliwanag nito, maaring ang nabunyag na P154 B scam ay tip of iceberg lamang at posibleng matagal nang nangyayari ang scam sa Philhealth claims.


Iginiit nito na dapat siguruhin ng DOJ na malakas ang kasong kriminal at sibil na isasampa sa mga sangkot dito upang matiyak na makukulong.

Nauna nang pinaiimbestigahan ni Datol ang eye surgery anomalies sa ahensiya kung saan modus umano ng mga tiwaling doktor na kumumbinsi sa mga senior citizens na sumailalim sa operasyon sa mata kahit di naman kailangan para lamang makakulimbat ng pondo sa PhilHealth.

Facebook Comments