
Tuloy-tuloy ang pag-uusap ng Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) hinggil sa pagpapatupad ng kontrobersyal na Oplan Katok.
Sa ambush interview sa Camp Crame, ipinaliwanag ni Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na hindi sila humahadlang sa trabaho ng Pambansang Pulisya na magtaguyod ng payapang eleksyon.
Nais lamang nila na magkaroon ng guidelines o panuntunan ang PNP sa pagpapatupad ng Oplan Katok upang matiyak na hindi ito maaabuso.
Una nang sinabi ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil na tuloy ang Oplan Katok.
Ani Marbil, pili lang naman ang kinakatok ng pulisya at ito yung mga gun owner na paso na ang License to Own and Possess Firearms at firearms registration na layong masugpo ang pagkalat ng illegal firearms na posibleng magamit sa nalalapit na 2025 midterm elections.