
Sunod-sunod ang dating ng mga bus sakay ang mga pasahero na galing sa probinsiya sa Parañaque Intergrated Terminal Exchange (PITX) ngayong umaga.
Mas marami na ang mga pasaherong bumababa sa PITX kaysa sa mga pasaherong sasakay ng bus papuntang probinsiya, wala na rin masyadong pasahero sa mga waiting area na papuntang Bicol gayun din maluwag na maluwag na ang lahat ng ticket booths.
Maliban sa mga shuttle na umiikot sa Mall of Asia, EDSA carousel bus at LRT kung saan ay tuloy-tuloy ang pasok ng mga pasahero at mahaba na rin ang pila, lalo pa at ngayon ang unang araw ng pagbabalik sa trabaho ng mga nanggaling sa bakasyon nitong nagdaang Semana Santa.
Kagabi ay pumalo sa 130,461 ang kabuuang bilang ng mga pasahero sa PITX.
Mahigpit pa rin ang ipinatutupad ng seguridad sa buong terminal at nakaantabay pa rin ang help desk ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang gate dahil hanggang Miyerkules ay naka-heightened alert pa rin ang PITX para sa pagbabalik ng mga pasahero galing probinsiya.
Sa projection ng PITX, 2.5 million na pasahero ang inaasahan nila sa buong Semana Santa pero sa aktwal na bilang lagpas sa kalahati pa lang o higit isang milyong mga pasahero pa lang ang naitatala ng PITX ngayong Semana Santa 2025.